NAGA CITY—Pinaalalahanan ng Municipal Health Office sa Goa, Camarines Sur ang mga nagpapabakuna na huwag pagdudahan ang efficacy ng bakuna dahil lamang sa hindi nakaranas ng side effects gaya ng kanilang inaasahan.
Ito ang sinabi sa Brigada news FM Naga ni Dr. Diosdado Fuentebella, MHO-Officer ng Goa LGU.
Ayon pa kay Fuentebella, hindi lahat ng mga nagpapaturok ay sensitibo sa bakuna na kadalasan sila ang nakararanas ng side effects gaya ng pananakit ng ulo, pananakit ng braso, lagnat at iba pa.
Hindi aniya porke walang epekto matapos maturukan ay hindi na epektibo ang bakuna.
Sa huli sinabi ni Fuentebella na hindi basehan kung may side effect o wala matapos maturukan ang pagiging mabisa ng isang bakuna, bagkus pagtuonan na lang ng pansin kung papano ka makakahikayat ng iba pa upang magkaroon na ng herd immunity para makabalik na sa normal na buhay ang lahat at tuluyan nang masugpo ang pandemya dala ng COVID-19.