LEGAZPI CITY – Handang makipagtulungan ang mga tanggapan sa lalawigan ng Albay sa delegasyon ng European Union (EU) upang mapataas lalo ang antas ng pagsasanay ng mga paaralang pang-Marino.
Ito ang inihayag ni Albay 2nd District Rep. Joey Sarte Salceda sa kabila ng ng peligrong mawalan ng 50,000 marinong Pinoy kung mabibigo ang bansa na makasunod sa Standards of Training, Certification, and Watch keeping for Seafarers (STCW) Convention ngayong taon.
Ayon kay Salceda, alam niyang sa nakaraang mga pagsusuri ng European Maritime Safety Agency (EMSA), nanganganib na mawalan ng trabaho ang ang nabanggit na mga marino kung saan ang iba ay mula sa Albay.
Aniya, sadyang kailangan lamang taasan ang antas ng kanilang pagsasanay at kasanayan upang matugunan ang mga alalahanin ng EMSA, kung saan sa nakaraang mga pagsusuri nito ay mababa ang markang nakuha ng mga Marinong Pinoy.
Binigyang-diin din ng kongresista na kritikal na mapanatili ang trabaho ng mga Marinong Pinoy sa Europa, lalo na sa kasalukuyang lagay ng pambansang ekonomiya at pag-empleyo, kaya kailangang maprotektahan ang ‘foreign currency reserves’ ng bansa.
Sinabi pa ng opisyal, bilang ‘senior member’ din ng lupon ng pamunuan ng kongreso, nais makipagtulungan sa delagasyon ng EU sa Pilipinas upang isulong ang interes at kapakanan kapwa ng mga Marinong Pinoy at ng ‘European shipping and logistics’ sa mahahalagang usapin gaya ng akmang pagsasanay ng mga marinong Pinoy.