CAMARINES NORTE- Pinaalalahanan ng PNP Highway Patrol Group ang mga sumasakay sa pampublikong sasakyan na magsuot pa rin ng face mask.
Sa patuloy na pag- iikot ng HPG sa mga terminal binigyang diin nito na mandatory pa rin ang pagsusuot ng face mask kapag sasakay ng pampublikong sasakyan.
Marami sa mga pasaherong inabutan ang wala nang suot na face mask kahit ang mga bata.
Kaya naman pinagsuot ng face mask ang mga wala nito at pinaalalahanan pa ring sundin ang health protocols.
Mababatid na niluwagan ng Inter-Agency Task Force for Emerging Infectious Disease (IATF) ang face mask mandate sa huling bahagi ng taong 2022.
Voluntary na lang ngayon ang pagsusuot ng face mask maliban sa mga health facility at public transport.
Samantala, dagsa pa rin sa mga terminal ang mga pasahero papasok at palabas ng probinsiya ilang araw pagkatapos ng pagdiriwang ng kapaskuhan at bagong taon.
Kaya naman ang HPG ay pinaigting din ang presensya sa mga terminal ng bus at may mga pagkakataong nagsasagawa pa ito ng maikling lecture sa mga pasahero.
Tinitingnan din ang kahandaan ng mga bus upang masigurong ligtas ang mga sakay nito.
