Inihain ng ilang senador ang 12 resolusyon na nagbibigay-pugay at pumupuri kay Hidilyn Diaz matapos nitong masungkit ang kauna-unahang gintong medalya ng Pilipinas sa Olympics matapos ang 97 taon.
Kabilang sa mga naghain ng magkakahiwalay na resolusyon, isang araw matapos ang matagumpay na kampanya ni Diaz sa Olympic Games, ay sina Senate President Vicente Sotto III, Minority Leader Franklin Drilon, Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri, Senators Christopher Lawrence “Bong” Go, Ramon “Bong” revilla Jr., Risa Hontiveros, Manuel “Lito” Lapid, Nancy Binay, Richard Gordon, Imee Marcos, Joel Villanueva at Emmanuel “Manny” Pacquiao.

Sa ilalim ng Senate Resolution 763 na inihain ni Sotto ay kinilala nito ang dedikasyon at sakripisyo ni Diaz nang magsanay ito sa Malaysia mula pa noong February 2020.
Ipinunto ni Sotto na nasubukan ang karakter ni Diaz nang magpatupad ng lockdowns ang Malaysian government dahil sa COVID-19 pandemic, na dahilan upang mapilitan itong magsanay gamit ang mga kawayan, at malalaking water bottles, bilang makeshift weightlifting equipment.
Bukod diyan ay pinuri ni Sotto ang desisyon ni Diaz na magsumikap para sa medalya nito kahit sa isang open-air carport lang ito nag-work out bago ang 2020 Summer Olympics.