LEGAZPI CITY – Masangsang, nakakasulasok at nakakasukang amoy. Yan ang patuloy na inirereklamo ng mga residente sa Barangay Mayon, sa bayan ng Daraga na nagmumula sa isang malapit na dumpsite.
Sa panayam ng Brigada News FM Legazpi kay Nanay Nena isa sa mga napeperwisyo nito, nararanasan nila ang mabahong amoy tuwing nagkakakal sa naturang pribadong tambakan ng basura na lubos nang nakaka-apekto sa kanila lalo na sa tuwing sila ay kumakain kung saan kaniyang ikinwento na tiniis na lang nila ito dahil wala namang magagawa.
Dagdag pa niya, matagal na nila itong pinoproblema at nararansan kasabay nito ang matagal na rin nilang pagrereklam bagamat hanggang ngayon ay wala pa ring aksyon ang mga otoridad, kahit pa aniya ang nagdaang administratyon sa barangay ay walang nagawa upang ito ay masolusyunan.
Saad pa ni Nanay Nena, mas napapalala pa ng ulan na nararanasan ngayon ang amoy mula sa dumpsite kung kaya’t hindi na nila alam kung ano ang dapat na gawin dahil pati ang mga malapit na ilog ay apektado na rin.
Sa ngayon, siya ay nananawagan sa kinauukulan na mabigyan ito ng solusyon dahil maari itong makaapekto sa kalusugan ng mga residente sa kanilang lugar lalo na sa mga kabataan.
Kung matatandaan, naperwisyo na rin ang kaparehong mga residente ng barangay, dulot naman ng naglipanang mga langaw na nakakaabot sa mga kabahayan na nagmumula sa isang poultry farm na agad namang ipinasunspende ang operasyon.