Pinatutukoy ng Philippine National Police ang bilang ng mga pulis na may kaanak na tatakbo sa 2025 midterm elections.
Ayon kay PNP Public Information Office Chief Col. Jean Fajardo, sinimulan na itong gawin ng Directorate for Personnel and Records Management para matiyak na walang masasangkot na pulis sa partisan politics.
Ang matutukoy na pulis na may kaanak na tatakbo sa kanilang area of assignment ay tiyak na malilipat ng pwesto.
Ito aniya ay Standard Operational Procedure na sa PNP.
Pero mangyayari ito matapos ang paghahain ng Certificates of Candidacy dahil dito malalaman kung sino-sino ang opisyal na tatakbo sa halalan sa susunod na taon.
Nabatid na ang filing ng COC ay itinakda ng Comelec sa October 1 hanggang October 8.
Nauna nang nagbigay ng babala si PNP Chief Gen. Rommel Francisco Marbil na hindi niya pahihintulutan na magamit ng mga pulitiko ang mga pulis para maimpluwensiyahan ang halalan.