KORONADAL CITY — INAKO ngayon ni Tampakan, South Cotabato Mayor Leonard Escobillo na may kapabayaan ang ilan sa mga poultry farms sa kanilang bayan na naging dahilan ng pagdami ng mga langaw.
Sa panayam ng Brigada News FM Koronadal sa alkalde, sinabi nito na tatlo ang kanilang nakikitang dahilan sa paglipana ng mga langaw sa isa sa kanilang barangay na kinabibilangan ng matagal na harvest ng mga manok, hindi maayos na disposal ng dumi ng mga ito at ang paglabas ng mga sasakyan mula sa mga poultry farms na sinusundan ng mga langaw na siyang pumupunta sa mga kabahayan.
Dahil dito, binigyan ni Escobillo ng isang linggo ang 15 mga poultry farms sa Tampakan na solusyunan ang problema.
Nagbabala din ito sa mga poultry farm owners na hindi ito magdadalawang isip na ipasara ang nasabing mga poultry farms sakaling mapatunayan na hindi sumusunod sa sanitary order ng bayan.
