Mga patay na corals – tinambak umano sa Sabina o Escoda Shoal ayon sa PCG

Ibinunyag ni Philippine Coast Guard spokesperson for the West Philippine Sea Commodore Jay Tarriela ang nakapanlulumong sitwasyon sa Escoda Shoal matapos matagpuan ang mga patay at durog na corals na umano’y itinambak ng China sa lugar.

Ang Escoda Shoal ay 75 nautical miles lamang mula sa baybayin Palawan main island.

Paliwanag ni Tarriela, nakaaalarma ang sitwasyong ito kumpara sa Sandy Cay, dahil mas malapit ito sa Palawan o kalupaan ng bansa.

Samantala, mahigit 40 barko ng China at isang helicopter umano ang natagpuan ng pamahalaan sa bahagi ng Sabina o Escoda Shoal – ang lugar malapit kung saan nakatambak ang mga patay na corals.

Ipinadala na rin ng PCG ang barko nitong BRP Teresa Magbanua (MRRV 9701) sa Escoda Shoal upang maiwasan ang pagtatangka ng China na magtayo na naman ng isa pang artificial island sa West Philippine Sea.

Ang itinuturing na pinakamalaking barkong ito ng PCG ay 26 na araw nang nagbabantay sa naturang katubigan.

Ayon kay Tarriela target, nilang mahuli ang mga Chinese vessels na nagtatambak ng mga patay na corals sa mga sandbars.

Sa panahon aniya na nakabantay ang BRP Teresa Magbanua sa Escoda Shoal, ilang mga barko ng China ang namamalagi umano roon, at hindi umaalis.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *