Naghain si Senator Aquilino “Koko” Pimentel III ng resolusyon na nagsusulong ng imbestigasyon kaugnay sa tinukoy nito bilang madalas at walang saysay na pagbabago sa disenyo ng Philippine peso coins at banknotes.
Sa paghahain ng Senate Resolution 362 ay binanggit ni Pimentel ang iba’t-ibang pagkakataon na nagpalit ng disenyo ang BSP kabilang na ang 2009 “massive redesign” ng banknotes upang lagyan ito ng dagdag na security features at mas pagtibayin ang kalidad nito.
Inihayag rin ni Pimentel na nagkaroon ng 2019 announcement ang BSP tungkol sa muling pag-redesign sa bagong five peso coin, dahil sa kalituhan na idinulot nito sa publiko kung ikukumpara ito sa one peso coin.
Isinama rin ng senador sa kaniyang resolusyon ang announcment ng BSP na “complete overhaul” ng 1,000 peso note na kabilang sa 2010 New Generation Currency (NGC) Series sa pamamagitan ng pagpalit ng imahe ng World War II heroes at martyrs sa imahe ng Philippine eagle.
