Iniulat ni One Hospital Command Center Chief at treatment czar Health Undersecretary Leopoldo Vega na nananatiling nasa low-risk category ang estado ng mga ospital at paggamit ng ICU beds sa buong bansa.
Ito ay sa kabila ng patuloy na pagsirit ng mga kaso ng covid-19 sa ibang mga lalawigan at siyudad partikular sa Visayas at Mindanao.
Ayon kay Usec. Vega, nasa 46 percent ang healthcare utilization rate sa buong bansa habang nasa 57 naman percent ang ICU bed occupancy rate.
Base pa sa datos, sa Metro Manila ay nananatili sa low-risk category kung saan nasa 37 percent ang healthcare utilization rate habang nasa 42 percent ang ICU bed occupancy.
Samantala, ayon pa kay Vega, natugunan na rin ang kakulangan ng ICU beds sa Philippine Heart Center at San Lazaro Hospital.
Parehas na aniyang nasa low risk category ngayon ang ICU beds occupancy ng dalawang nabanggit na covid-19 referral hospital.