CAMARINES NORTE- Bigo pa rin ang mga awtoridad na matagpuan ang limang mangingisda mula sa bayan ng Mercedes, Camarines Norte na ilang araw nang nawawala.
Sa impormasyon mula sa Philippine Coast Guard, walang sightings sa mga nawawalang mangingisda pero marami naman umanong bangka sa lugar kung saan nag-ikot ang chopper kaya makapagbibigay ito ng impormasyon sakaling may makakita.
Nakadepende na ngayon sa Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office kung ano ang mga susunod na hakbang para hanapin ang mga nawawalang mangingisda.
Sakay ng chopper ng Philippine Air Force, tumulak ang mga awtoridad kahapon ng umaga para ikutin ang ilang bahagi at isla ng Quezon Province.
Ang mga mangingisdang sina Roger Pun- an 59, Gerome Pun- an 19, at Efren Lozada Jr. 42 na pawang mga residente ng Barangay San Roque, Mercedes ay magdadalawang linggo nang nawawala makaraang pumalaot noon pang September 19
Ang dalawa pang mangingisda na nakilalang sina Rodel Carillo 35, na residente rin ng San Roque at Ricky Nuñez ng Barangay Manguisoc parehong bayan ay isang linggo nang nawawala makaraang pumalaot noong September 22.
