BICOL—Patuloy ang paghikayat ng lokal na gobyerno ng Camalig, Albay at ng mga local health officials sa mga senior citizen sa kanilang lugar na magpabakuna na kontra COVID-19.
Base kasi sa datus ng Municipal Health Office (MHO), karamihan sa mga namamatay sa nasabing sakit sa bayan ay mga senior citizens. 13 sa 25 reported deaths ay kabilang sa age group mula 60 hanggang 90-anyos.
Karaniwan sa sanhi nito ay ang kumplikasyon gaya ng severe pneumonia, myocarditis, renal failure at multiple organ failure.
Ayon kay Alkalde Caloy Baldo, patuloy ang municipal-wide vaccinations ng MHO at mas makakabuti kung ang mga lolo at lola ay mababakunahan na kahit ano pa man na brand ng bakuna ang abilable.
Mula nang mag-arangkada ang bakunahan, patuloy na ang paalala ng local health officials sa mga kabilang sa nasabing age group na samantalahin ang pagkakataon na makapagpaturok ng COVID-19 vaccine.
Ito umano ay napatunayan nang nakakatulong upang mapigilan at mapababa ang peligro ng kumplikasyon na dulot ng virus lalo na sa mga maedad na.
Pero nilinaw ni Baldo na hindi ibig sabihin na bakunado na, hindi na tatamaan ng COVID-19 sa halip ay pinabababa lamang nito ang panganib ng kumplikasyon upang maiwasan ang mas malalang kondisyon.### || slm