CAMARINES NORTE – Aminado ang Philippine Postal Corporation o Philpost na mangingilan ngilan na lang ang nagpadala ng Christmas card gamit ang tradisyunal na paraan ng mailing noong Christmas season kumpara noong mga nakaraang taon.
Karamihan pa sa mga ito ay foreigner na pinili pa ring magpadala ng greeting cards sa kanilang mga mahal sa buhay sa pamamagitan ng Philpost.
Gayunman iginiit ni Acting Postmaster Nena Panganiban ng Daet Post Office na hindi pa rin hihinto ang Philpost sa pagseserbisyo at pagtupad sa kanilang mandato alinsunod sa Republic Act No. 7354 o ang ‘Postal Service Act of 1992’.
Sa panayam ng Brigada News FM Daet sinabi ni Panganiban na malaking hamon talaga sa kanila kung paano maging competitive sa gitna ng modernong teknolohiya.
May mga innovations naman daw na ipinatutupad ang Philpost.
Isa pa aniya sa malaking hamon ngayon sa Philpost ay ang employment status ng kanilang workforce na majority ng mga empleado ay contract of service.
Halimbawa na lamang sa Daet Post Office na sineserbisyuhan din ang karamihang bayan sa ikalawang distrito ay mayroong 6 na delivery personnel at tatlo lang dito ang regular employees.
Sa kabila nito iginiit ni Panganiban na may silbi pa rin ang Philpost dahil dito pa rin pinapadala ang mga official mails lalo na sa judiciary.
