CAMARINES NORTE- Isinailalim sa Vessel Monitoring Systems (VMS) orientation ang mga nagmamay- ari ng commercial fishing vessel sa lalawigan ng Camarines Norte kahapon, November 16, 2022.
Mahigit sampung commercial fishing vessel owners ang dumalo sa naturang orientation na inorganisa ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) na ginanap sa Provincial Fishery Office sa bayan ng Mercedes.
Layon nito na bigyang kaalaman ang mga participants hinggil sa kahalagahan ng VMS na ipinapatupad sa bansa.
Ginamit ang VMS sa commercial fishing para ma-monitor ng environmental and fisheries regulatory organizations ang aktibidad ng fishing vessels.
Ginagamit ang VMS systems upang ma- improve ang management at sustainability ng marine environment sa pamamagitan ng pagtitiyak na ang fishing practices ay naayon sa batas at maiwasan ang illegal fishing.
Matatandaan na Setyembre nitong taon ay sinita ng Commission on Audit (COA) ang Maritime Industry Authority (MARINA) dahil umano sa kaawalan ng inventory ng nag- ooperate na registered domestic vessels.
Sa ulat ng The Philippine Star na may petsang September 13, 2022, ipinunto umano ng COA na ang kawalan ng maayos na imbentaryo ay nagresulta ng mahinang monitoring ng delinquent vessels at mababang koleksyon ng annual tonnage fees.
Inamin naman umano ng MARINA na wala itong updated master list ng registered domestic vessels lalo na noong mga nagdaang taon, sabi sa COA 2021 annual audit report.
Ayon pa sa COA ang kawalan ng updated master list ay mayroong negatibong epekto sa collection of fees lalo na sa tonnage fees mula sa operational vessels.
