CAMARINES NORTE- Pinaalalahanan ng Maritime Industry Authority (MARINA) ang mga nagmamay- ari ng commercial fishing vessel sa Camarines Norte na asikasuhin na ang mga kinakailangang dokumento para sa gagawing joint mobile registration sa susunod na linggo kasama ang National Telecommunications Commission (NTC).
Ginawa ang paalalang ito ng ahensiya sa orientation patungkol sa Vessel Monitoring Systems (VMS) na ginawa sa Provincial Office ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) sa bayan ng Mercedes nitong Miyerkules, November 16.
Ayon sa MARINA sana ay ihanda na ng mga aplikante para sa new registration at renewal ang mga requirements, notarized form at iba pang kinakailangang dokumento.
Dapat din umanong ihanda ang resibo ng makina ng bangka o kung walang resibo ay deed of sale at kung nawala naman ay affidavit of lost para tuloy- tuloy ang pag proseso ng requirements.
Kabilang sa mga dapat asikasuhin ng mga magpaparehistro ay ang vessel plan approval at mga documentary requirements tulad ng Letter of Application, Vessel Name clearance, Notarized builder’s certificate, Notarized affidavit of ownership, colored photographs of vessel, Stencil of engine serial number, ID pictures, 2×2 inches, Tax Idenfication Number (TIN) ng may ari, Valid ID ng may ari, skeleton/accommodation plan at application for NTC License.
Nagpaalala naman ang BFAR na lahat ng bangka na nagawa simula noong March 2022 ay kailangan ang boat construction clearance mula sa ahensiya.
Payo ng BFAR na bago magpagawa ng bangka ay magpaalam muna sa kanilang opisina para maisyuhan ng boat construction clearance.
Gagawin ang Joint Mobile Registration sa bayan ng Mercedes sa November 23, at ang sunod na tatlong araw ay gagawin naman sa Sta Elena.
