CAMARINES NORTE- Ibinida ng Camarines Norte Electric Cooperative ang mga naging accomplishment nito sa katatapos lang na virtual Annual General Membership Assembly noong Sabado.
Sa kaniyang mensahe inilatag ni General Manager Zandro Gestiada ang mga nagawa ng Canoreco sa nakalipas na dalawang taon.
Pinakauna dito ay ang muling pagkakasungkit ng Canoreco sa Triple A category ang pinakamataas na kategorya ng award na ibinibigay sa mga Electric Cooperative.
Ayon kay Gestiada nangangahulugan ito na matagumpay na na nako- comply ng Canoreco ang key performance parameters ng NEA partikular sa pinansiyal na obligasyon kung saan nakakapagbabayad ito ng maaga sa mga power supplier.
Maayos din umano ang kalagayang pang pinansyal noong taong 2019 at ito ay pinatunayan ng external auditor gayundin ang 2020 operations kahit nasa panahon ng pandemya at sinalanta ng mga bagyo na sobrang nagpahirap sa sitwasyon ng lahat ng aspeto ng pamumuhay.
Upang mailapit naman ang serbisyo ng Canoreco sa mga miyembro kunsomidores partikular sa pagbabayad ng monthly power bill sa panahon ng pandemya ay nagkaroon umano ng mga accredited bayad centers sa ilang barangay sa Camarines Norte.
Pagdating naman sa institutional na aspeto ay patuloy umano ang pagpapatupad ng livelihood program sa mga miyembro kunsomidores at pagbibigay ng mga financial assistance tulad ng DOLE tupad, Assistance to Individuals in Crisis Situation o AICS sa pakikipagtulungan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) at Pantawid Liwanag Program.
Noong 2019 at 2020 ay bumili ng mga sasakyan ang naturang kooperatiba ng kuryente sa patuloy umanong pagnanais na mapabilis ang pag responde ng mga technical personnel sa lahat ng mga suliraning may kinalaman sa serbisyo ng kuryente.
Kabilang naman sa parameters sa teknikal na aspeto ay ang level of energization, systems loss reduction, power reliability at iba pa.
Sa ilalim nito ay patuloy daw ang sitio electrification program para sa mga lugar na hindi pa naabot ng electrification at naglalayong mapailawan ang lahat ng mga lugar at mga nainirahan dito.
Naging matagumpay din umano ang upgrading ng mga power substation upang mapalawak ang masesebisyuhan at matugunan ang pagtaas ng demand ng kuryente para masigurado ang power reliability.
Sa kabuuan umano ay masasabing naging matagumpay ang naturang kooperatiba ng kuryente sa pagkamit ng mithiin nito.
