Nakikita ng mga miyembro ng fisherfolk sector ang pag-asa kay Vice Presidential aspirant Sara Duterte sa muling pagreview sa Philippine Fisheries Code, para mapalawak umano ang kanilang fishing perimeters at ang pagprotekta sa Manila Bay.
Kaugnay nito, malaki ang paniniwala ni Rodolfo Rondon, 59-anyos at chairman ng City Fisheries Resources Management Council, na matutugunan ng liderato ni Duterte ang fishing regulations alinsunod sa isinasaad ng Republic Act 10654 o ang Amended Philippine Fisheries Code.
Sa gitna nito, umaasa si Rondon, na siyang kinatawan rin ng Alyansa ng mga Mangingisda ng Navotas, na mapapayagan silang makapag-operate sa fishing grounds ng bay na lampas sa kanilang territorial waters.
Ang naturang organisasyon ay mayroong 7,000 city-accredited members.
Kaugnay nito, nanawagan si Rondon sa kanyang kapwa mangingisda na magkaisa sa pagsuporta kay Duterte para manalo sa vice presidential, dahil nakikikita nilang ang Davao City mayor ang tamang lider na magreresolba sa naturang usapin.
“Kailangan natin suportahan si Mayor Inday Sara. Ang mga marginalized sector ng mga mangingisda, siya ang aming napili dahil naniniwala kami na masusuportahan niya at mabibigyan niya ng solusyon ang problema ng mga fisherfolk dito sa Manila Bay,” saad ni Rondon.
Nabatid na nakipagpulong si Duterte sa naturang sektor, kung saan tiniyak nito ang kaukulang hakbang na ilalatag para maresolba ang economic challenges ng sektor, kanilang na ang mga legislations na po-protekta sa Manila Bay.
“Karamihan po sa inyong mga problema, kailangan ng pag-amenda ng batas o kailangan ng (bagong) batas. Napag-usapan po namin ni Mayor Toby (Tiangco) na sa kanyang pagbabalik sa kongreso ay ilalagay niya sa mga bills o mga batas na ipi-presenta sa ating kongreso ang mga kailangang gawin para sa Manila Bay at para masagot ang inyong mga problema as fisherfolk dito sa Navotas,” giit ng VP aspirant.
