CAMARINES NORTE- Ilang araw ding natengga ang hanapbuhay ng mga mangingisda lalo na ang may maliliit na bangka dahil sa hindi magandang lagay ng panahon na naranasan sa lalawigan ng Camarines Norte.
Ngayon ay maaari na muli silang pumalaot makaraang ma- lift ang nakabanderang gale warning ng Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration o Pagasa.
Batay sa latest Sea Travel Advisory ng Philippine Coast Guard ang lifting ng gale warning ay dahil sa improvement ng weather at sea condition sa kagaratang sakop ng lalawigan.
Gayunman, pinag iingat pa rin ng Coast Guard ang lahat ng klase ng bangka maliit man o malaki at pinaalalahanang palaging maging mapagmatyag sa lagay ng panahon.
Kahit kasi bumubuti na ang lagay ng panahon sa buong lalawigan ay may posibilidad pa rin na lumakas muli ang alon dahil sa Northeast Monsoon.
Ang mga turista naman na may planong mag island hopping ay pinag iingat din at inaabisuhan na sumakay lang sa bangkang pang turista upang masiguro ang kaligtasan.
Bago kasi umalis ang tourist boat sa pantalan ay kailangan muna itong sumailalim sa pre- departure inspection ng Coast Guard upang masiguro na kumpleto ang mga safety equipment ng bangka.
Sa unti- unting pagbuti ng lagay ng panahon ay inaasahan na sisigla muli ang turismo kasunod na rin ng pagluluwag ng COVID- 19 restrictions sa lalawigan.
