Mga mahihirap na Senior Citizen umaasang maibibigay na sa kanila ang karagdagang P500 kada Buwan na social pension

CAMARINES NORRTE- Hindi pa rin natatanggap hanggang ngayon ng mahihirap na senior citizens ang karagdagang P500 na buwanang social pension mag iisang taon matapos na mag-lapse into law o maging ganap na batas ang Republic Act No. 11916.

Sa ilalim ng naturang batas magiging P1,000 na mula sa kasalukuyang P500 ang matatanggap na buwanang social pension ng indigent senior citizens.

Kabilang sa mga umaasang maipapatupad na ngayong taon ang dagdag na pension ay si Jose Millares 70 mula sa bayan ng Mercedes.

Naabutan ng Brigada News si Lolo Jose na nakapila kahapon sa Jimmy P. Lo Sports Complex para mag- claim nang naantala nang kakarampot na social pension.

Aniya gusto raw sana nila na matanggap na ang ipinangako ng gobyerno na karagdagang pensiyon pero hindi umano nila malaman kung bakit hanggang ngayon ay wala pa rin.

Read More:  14-year-old PWD dies in Cebu house fire

Tulad ni Lolo Jose umaasa rin si Lolo Pablito Quiozon 73 na matanggap na ang karagdagang pensiyon na kahit papano ay malaking tulong na rin daw sa pambili ng kanilang mga pangangailangan.

Napapaisip naman ang 66 anyos na si Roberto Daiz kung ano ang dahilan kung bakit hanggang sa ngayon ay wala pa rin ang ipinangakong dagdag na pensiyon.

Ayon kay Lolo Roberto sana raw ay asikasuhin na  at pagtuunan ng pansin ng mga kinauukulan para maibigay na ito sa kanila na kaniya umanong nabalitaan sa social media.

Sina Lolo Jose, Pablito at Roberto ay kumakayod pa rin sa kabila ng kanilang edad para itaguyod ang pangangailangan ng pamilya.

Read More:  Canlaon artisans adapt to calamities with limited materials, volcanic ash crafts

Kaya pa naman umano nilang magtrabaho pero aminadong kakaunti na lang ang natitirang lakas.

Pangingisda  ang kanilang hanapbuhay na kapag nagkakaroon ng sama ng panahon ay apektado ang kabuhayan.

Ilan lamang sila sa mahigit apat na milyong mahihirap na senior citizen sa buong bansa ang hanggang sa ngayon ay umaasa at nanalangin na maibigay na ang karagdagang pension na una nang ipinangako ng gobyerno na matatanggap na ngayong taon.

Pero ayon sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa ngayon ay mananatili sa P500 kada buwan o P6, 000 kada taon ang matatanggap ng mga social pensioner.

Sa isinagawang Media Forum noong nakaraang linggo sinabi ng ahensiya na kapag nagdagdag ng stipend ay kaakibat din nito ang karagdagang pondo.