CAMARINES NORTE- Tuluyan nang giniba ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang dekada nang Daet- Mercedes boundary marker nitong Miyekules, June 14 o isang araw pagkatapos ng kapistahan ng bayan ng Mercedes.
Ito ay bilang pagtalima sa Department Order no.73 series of 2014 ng ahensiya o ang Removal and Clearing of Obstructions sa national highway.
Sinimulan ang demolisyon pasado alas 10 ng umaga na tumagal hanggang hapon dahilan upang hindi madaanan ang naturang bahagi ng kalsada.
Ang mga sasakyan ay dumaan sa alternate route na Cory Aquino Blvd sa Barangay Bagasbas habang hindi pa madanaan ang kalsada dahil sa ginawang demolisyon.
Ang pagiba ng naturang marker ay bahagi ng road widening program ng ahensiya.
Laking panghihinayang naman ng mga residente at dumadaan sa lugar dahil pinondohan ito ng milyong piso na sa isang iglap ay mawawala lang.
Sa ngayon ay hindi pa batid kung ano ang magiging kongretong plano kaugnay dito ng Lokal na Pamahalaan na siyang nagpatayo ng arko.
Ang DPWH naman ay una na ring pinanindigan ang nabanggit na Department Order.
Sa katunayan bago pa ang pagiba ng arko sa Mercedes- Daet Boundary ay may mga nauna nang giniba sa ilang lugar sa Bicol.
Sunod namang gigibain ang dalawang arko sa bayan ng Daet, ang Basud- Daet boundary at Daet- Talisay boundary na gagawin naman pagkatapos ng kapistahan sa kabila ng mariing pagtutol ng LGU.
