BNFM BICOL— Kasunod ng muling pagtaas ng mga naitatalang kaso ng COVID-19 sa lungsod ng Legazpi at sa iba pang bahagi ng lalawigan ng Albay, inabisuhan ni Legazpi City Mayor Noel Rosal ang mga magulang ng mga batang hindi pa bakunado kontra COVID-19 na huwag na munang palalabasin ang kanilang mga anak.
Ayon sa alkalde, kinakailangan aniyang malimitahan muna ang paglabas ng mga kabilang sa pediatric population na hindi pa bakunado lalo na ngayong may banta ng Omicron variant at nasa ilalim ng Alert Level 3 ang naturang lalawigan.
Dagdag pa ni Rosal, ang kanyang panawagan ay hindi lamang para sa mga bata kundi maging sa mga matatanda na hindi pa rin nagpapabakuna sapagkat peligroso rin para sa mga ito ang ma expose sa labas nang walang proteksyon.
Kaugnay nito, batay naman sa updated na guidelines na ibinaba ng Diocese of Legazpi, pansamantala munang hindi pahihintulutang pumasok sa simbahan ang mga batang edad 12-anyos pababa at kanselado rin ang pagdaraos ng first communion at bagkus ay inabisuhan na lamang ang mga bata na dumalo ng misa sa telebisyon o online.###