Nilinaw ng Puerto Princesa City Department of Education o City DepEd na hindi inoobliga ang mga magulang na pumunta sa paaralan para sa isinasagawang Brigada Eskwela bilang paghahanda sa darating na School Year 2021-2022.
Ayon sa tagapagsalita ng City DepEd na si Gina Francisco, boluntaryo lamang ito at maging ang pagbibigay ng donation sa pamamagitan ng ‘cash or in-kind’ ay dapat kusang loob at hindi sapilitan.
“Hindi po natin nire-required yung pag-Brigada Eskwela sa schools, boluntaryo lang po…at higit po sa lahat no collection sa Brigada Eskwela at sa enrollment na rin po.”
Hindi rin umano puwede maging dahilan sa pag-hold ng mga dokumento ng bata o maging hadlang sa pag-enroll nito ang hindi pagbabayad at maging ang hindi pag-Brigada Eskwela sa paaralan.
Samantala, napapaloob din sa DepEd Memorandum No. 48, series of 2021 na ang ‘physical cleaning and disinfection’ sa mga paaralan ay isasagawa dalawang linggo bago ang nakatakdang pagsisimula ng mga klase sa September 13, 2021.