Napipilitan ang mga magsasaka sa Benguet na ipamigay ang kanilang ani nang libre, kasunod ng paglipana ng smuggled carrots sa merkado.
Sa pagdinig ng Senate Committee of the Whole hinggil sa agricultural smuggling, sinabi ni Agot Balanoy, public relations officer ng League of Associations sa La Trinidad Vegetable Trading Areas na limang tonelada ang kanilang ipinamigay bilang relief, dahil mas gusto ng mga buyers na bumili ng smuggled carrots.
Ayon kay Balanoy, ang smuggled carrots kasi mula sa China ay nagtatagal ng hanggang dalawang buwan, habang ang local carrots ay nabubulok sa loob lang ng dalawa hanggang tatlong araw.
Sinabi ng grupo na may 20% decline sa daily orders para sa Benguet vegetables noong nakaraang taon, pero domoble ito sa 40%, matapos na lalong naging talamak ang smuggling ngayong taon, dahilan para malugi ang mga magsasaka ng hanggang P2.5 million bawat araw.