LEGAZPI CITY – Mas ikinababahala ngayon ng Provincial Government of Albay ang mga magsasaka na pumapasok sa loob ng 6km permanent danger zone ng Bulkang Mayon dahil posibleng mapahamak ang kanilang buhay sa oras na pumutok ito.
Ito ang inihayag ni Albay Governor Noel Rosal sa kanyang press briefing sa Provincial Capitol.
Ayon kay Rosal, may mga magsasaka na labas-pasok pa rin sa loob ng 6km permanent danger zone dahil sa kanilang kabuhayan.
Dahil dito, kailangang higpitan ang seguridad sa pagbabawal ng pagpasok sa nasabing danger zone ngayong alert level 1 ang status ng bulkan.
Sa ilalim ng batas, mayroong pananagutan ang lokal na pamahalaan sa oras na malagay sa peligro o mayroong mangyari sa mga ito.
Sinabi ng gobernador na ipinag-uutos na nito sa lahat ng Local Chief Executives at barangay na tingnan at i-monitor ang kanilang nasasakupan upang walang masawi dahil sa bulkan.
Samantala, kailangang bigyan ng relocation site ang mga pamilya na naninirahan sa 6km permanent danger zone.
Ipinapaubaya na rin ng opisyal kay Dr. Cedric Daep, head ng APSEMO PDRRMO ang mga gagawin kung kinakailangang bigyan ang mga pamilya na kanilang mapaglilipatan.