Tiniyak ni House Committee on Disaster Resilience Chairperson at Dinagat Islands Representative Alan Ecleo na makikipagtulungan ang Kamara kay Pangulong Bongbong Marcos upang magpasa ng mga batas na magpapaigting sa katatagan ng bansa at mag-aangat sa buhay ng vulnerable sectors.
Ayon kay Ecleo, nananatiling “most vulnerable” ang mga magsasaka at mangingisda sa mga kalamidad na epekto ng climate change.
Dahil dito ay suportado ng kongresista ang paninindigan ng pangulo sa pagpapabuti ng irigasyon sa bansa upang magbigay ng water security sa mga Pilipino lalo na sa panahon ng bagyo at tagtuyot.
Ipinagpasalamat ni Ecleo na mayroon umanong pangulo na kumikilalang ang tunay na sukatan ng paglago ng ekonomiya ay ang pagkakaroon ng sapat na pagkain.
Tama rin aniya ang mga punto ni Pangulong Marcos sa pagtukoy nito sa pangangailangaan ng food producers tulad ng subsidiya, technical at logistic support at proteksyon laban sa manipulasyon sa merkado.
Kabilang naman sa mga panukalang batas na nakabinbin sa Kamara ang House Bill 5245 na lilikha sa Calamity Food Banks sa bawat probinsya na siyang titiyak ng food security sa panahon ng kalamidad.
Sa ilalim nito ay magmumula sa local food producers ang supply reserve ng pagkain at magsisilbi ang Calamity Food Banks na repository para saa tubig, gamot, bakuna, antidote at iba pang mahahalagang medical supplies sa bawat LGU.