Kasado na ang pulong nina House Speaker Martin Romualdez at Senate President Chiz Escudero bukas, araw ng Huwebes upang talakayin ang legislative priorities ng administrasyong Marcos.
Layon din nitong tiyakin ang bukas na komunikasyon sa pagitan ng Senado at House of Representatives.
Sa panayam kay Romualdez sa Barasoain Church sa Malolos, Bulacan, binigyang-diin nito ang kahalagahan ng pulong na maghahanay sa legislative agendas ng dalawang Kapulungan.
Binanggit ng Speaker na naipasa na sa Kamara ang lahat ng priority measures ni Pangulong Bongbong Marcos partikular ang mga nailatag sa ikalawang State of the Nation Address at Legislative-Executive Development Advisory Council.
Ngunit maaari aniyang may mga bagong prayoridad na irerekomenda ang bagong liderato ng Senado na handa nilang pakinggan.
Punto ni Romualdez, mahalaga ang kooperasyon sa pagitan ng Kamara at Senado para sa matagumpay na implementasyon ng mga programa at reporma ng administrasyon.
Mababatid na magbubukas ang Third Regular Session ng 19th Congress sa July 22 o sa mismong araw ng SONA ng pangulo.