Mga kunsomidores ng Canoreco sinalubong ng pagtaas ng billing rates sa kuryente

CAMARINES NORTE- Sinalubong ng pagtaas ng bayarin sa kuryente ngayong Setyembre ang mga kunsomidores ng Camarines Norte Electric Cooperative.

Sa isang pahayag ipinaliwanag ng Canoreco ang hinggil sa bahagyang pagtaas ng billing rates ng August 2021 billing.

Ang bahagya umanong pagtaas ay bunsod ng pagtaas din ng Transmission Charge ng Php0.1464 per kWh dahil sa mas mataas na Ancillary Services Charge ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) para sa billing period ng July 2021.

Bahagyan rin umanong tumaas  ang System Loss Charge ng Php0.0082 per kWh, ang GRAM/ICERA ng Php0.0002 per kWh, at ang VAT Charges ng Php0.0386 per kWh.

Read More:  Rider dies after crashing into trailer truck in Davao City

Ang residential rate ay Php10.6378 per kWh kumpara sa Php10.5165 per kWh noong nakaraang July 2021 billing.

Ang low voltage rate ay Php9.6842 per kWh at ang high voltage rate naman ay Php8.0823 per kWh o nagkaroon ng bahagyang pagtaas na nasa Php0.1213 per kWh.

Sa kabilang dako, bumaba naman ang Generation Charge ng Php0.0716 per kWh bilang resulta ng mababang average market price ng kuryente.

Bumaba rin ang Lifeline Subsidy Charge ng Php0.0004 per kWh.

Nagbabago kada buwan ang Generation Charge dahil apektado ito ng presyo sa Wholesale Electricity Spot Market  o WESM power plants dispatch, fuel prices, forex rates at seasons kung kailan binili ang kuryente.

Read More:  DOH-XII records 277 new HIV cases in first quarter of 2026

Sabi pa sa pahayag mapababa man o mapataas ang buwan- buwang billing rates ay aprubado ito lahat ng Energy Regulatory Commission (ERC).

Ang ilan sa mga components ng billing ay pass-on charges lamang at inireremit ng CANORECO buwan-buwan sa mga power supplier gaya ng Aboitiz Power Renewables Inc. (APRI) at Wholesale Electricity Spot Market (WESM), sa transmission utility na NGCP, at sa government corporations/ agencies gaya ng Power Sector Assets and Liabilities Management (PSALM) Corporation at Bureau of Internal Revenue (BIR).