Mga galang aso sa bayan ng Basud pinagdadampot ng mga tauhan ng MAO

CAMARINES NORTE- Hindi bababa sa sampung galang aso ang pinagdadampot ng  mga tauhan ng Municipal Agriculture Office (MAO) sa kahabaan ng Maharlika Highway at Provincial Road sa bayan ng Basud, Camarines Norte nitong Miyerkules, November 9.

Ayon kay Municipal Agriculturist Harry James Felomino, nahuli ang mga aso na pakalat- kalat sa Highway sa ginawang operasyon mula sa San Felipe hanggang Bactas maging hanggang sa Mangcamagong.

Lingguhan ang ginagawang panghuhuli sa mga galang aso para dalhin sa dog impounding area ng munisipyo.

Mayroon kasing ordinansa sa naturang bayan hinggil sa responsible pet ownership upang hindi ito makaperwisyo sa ibang tao at maging sanhi ng aksidente sa kalsada.

Read More:  HBONI, DOST push science-based development in Himamaylan IP community

Sa ilalim ng ordinansa ay pagmumultahin ang may ari ng nahuling aso.

Nagbibigay ng hanggang tatlong araw na palugit ang munisipyo sa may ari para tubusin ang alagang aso at sa ika- apat na araw ay ipapaampon na ito sa nagnanais na mag- alaga.

Kapag hindi ito natubos ng may ari at wala ring nag ampon sa ikalimang araw ay saka pa lang ito papatayin sa pamamagitan ng euthanasia.

Read More:  German national dies in Mandaue pension house fire

Nakasaad sa Anti Rabies Act of 2007 na kinakailangang may tali ang aso kapag inilalabas ito sa kalsada.

Obligado rin ang may ari na pabakunahan ang alaga laban sa rabies.

Kung walang nagmamay-ari sa aso, sa barangay na ang pananagutan dahil obligado silang gumawa ng paraan para maiwasang gumala ang mga aso sa kanilang nasasakupan.

Pero kabila ng mga umiiral na ordinansa at national law ay marami pa rin ang mga galang aso sa kalsada na pinababayaan lang ng may ari.