BNFM BICOL—Inanunsiyo ng pamahalaang panlalawigan ng Catanduanes na hindi na hihingan pa ng negatibong resulta ng RT-PCR o Antigen Test ang lahat ng mga biyahero papasok ng probinsya na fully vaccinated na kontra COVID-19.
Batay sa ibinabang amendment ni Catanduanes Governor Joseph Cua sa Executive Order No. 43 series of 2021, tanging vaccination card o vaccination certificate na lamang ang hihingin bilang travel requirement para sa mga fully vaccinated individuals na papasok sa isla.
Ganunpaman, ang mga partially vaccinated at mga hindi pa bakunadong biyahero ay mananatiling required sa pag presenta ng negative RT-PCR o Antigen Test result.
Pagbibigay linaw lamang ng Provincial Government na tanging ang mga APOR at Essential travelers lamang ang pahihintulutang makapasok sa probinsya mula sa mga lugar na mas mataas sa Alert Level 2 ang quarantine classification habang papayagan namang makapasok ang mga LSI at mga Returning residents na magmumula sa mga lugar na nasa Alert Level 2 o mas mababa pang quarantine classification.
Dagdag pa ng provincial government, kinakailangan pa ring mag-rehistro sa S-PASS ang lahat ng biyahero patungong Catanduanes para makakuha ng aprubadong Travel Coordination Permit (TCP).
Ang pagbabagong ito sa mga ipinasusunod na restriksiyon ay bunsod ng mataas na vaccination coverage at ang patuloy na pagbaba ng mga naitatalang kaso ng COVID-19 sa probinsya nitong mga nagdaang araw.
Epektibo ang naturang panuntunan simula ngayong darating na Lunes, December 6, 2021.###