CAMARINES NORTE- Pinagkokomento ng Commission on Elections ang lahat ng Election Officer sa buong bansa kaugnay sa muling pagbubukas ng voter registration bilang paghahanda sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections sa Disyembre.
Ayon kay Election Officer IV Virgilio Veras, miyembro ng Comelec Speaker’s Bureau sa probinsiya, sa Hulyo ay muling magbubukas ang voter registration pero wala pang pinal na petsa.
Sa katunayan ay hinihingan uman ng komento at proposal ukol dito ang mga Election Officer sa buong bansa.
Sa panig aniya ng Comelec ay tuloy ang naka- schedule na Barangay at SK Elections sa Disyembre hanggang walang naipapasang batas na magpapaliban dito.
Patuloy lang umanong maghahanda ang komisyon upang kung matuloy ang naka schedule na halalan sa Disyembre ay masigurong handa sila.
Matatandaan na una na ring sinabi ng Comelec Central Office na sisimulan na sa susunod na buwan ang pagpa-plano para dito.
Handa naman daw tumalima ang komisyon kung sakaling maaaprobahan ng kongreso ang muling pagpapaliban ng Halalan.
