CAMARINES NORTE – Nilinaw ng Commission on Elections na hindi kasama sa gagawing operation Baklas ngayong araw ang mga campaign materials na nakapaskil sa private property kahit pa ito ay sumubra sa tamang sukat.
Ayon kay Provincial Election Supervisor Atty. Francis Nieves ito ay dahil mayroon pang legal na usapin patungkol dito at mayroong Temporary Restraining Order ang korte.
Paliwanag ni Nieves ang pagtutuunan lang nila ngayon ng pansin ay ang mga campaign poster na nakapaskil sa hindi designated areas na itinakda ng Comelec at ang mga lagpas sa tamang sukat.
Gayunmam nagpaalala ang opisyal na bagamat pinapayagan ang pagpapaskil ng campaign materials sa pribadong lugar ay dapat na sumunod pa rin ito sa tamang sukat na hindi lalagpas sa 2×3 feet.
Batay sa Comelec Resolution, mahigpit na ipinagbabawal ang paglalagay ng billboards, posters, tarpaulins at individual posters sa common poster na lalagpas sa tamang sukat.
Bawal din ang paggamit ng campaign o propaganda materials na lalabag sa gender sensitivity principles, malaswa, at discriminatory, gayundin ang mga poster o tarpaulin na walang nakasulat na “Political advertisement paid for/by.
Para sa naman sa mga lalabag na kandidato, magpapadala ang poll body ng Notice to Remove at Show Cause Order.
Ngayong araw ay magsasagawa ng operation baklas ang Comelec sa mga campaign materials na nakapaskil sa mga hindi otorisadong lugar.
Muling gagawin ang nationwide simultaneous operation Baklas sa October 27.
