CAMARINES NORTE- Inihayag ng Commission on Elections na hindi na muna nito pupuntiryahin ang mga campaign materials na nakapaskil sa private property sa gagawing Province wide Operation Baklas ngayong araw.
Sa panayam ng Brigada News FM Daet kay Basud, Camarines Norte Election Officer III Virgilio Veras, sinabi nitong hindi muna gagalawin ng Comelec Task Force ang mga oversized campaign posters na nasa private property dahil sa Temporary Restraining Order ng Supreme Court konta Oplan Baklas.
Nakatuon na muna aniya ang kanilang pansin sa Highway at sa mga major roads.
Sa bayan ng Basud ay mag uumpisa ang pagbabaklas ng Task Force alas 7:30 ng umaga mula sa Barangay Tuaca hanggang Bactas.
Magsasagawa rin ng pagbabaklas sa kahabaan ng Provincial Road patungo sa Barangay Mangcamagong.
“Hindi kami gagawa ng aksyon dun sa mga illegally posted, mga oversized campaign propaganda materials na kung saan ito ay nakalagay dun sa mga private properties dahil ito nga ay may TRO galing sa Supereme Court, so hindi natin gagawin yun, dun lang tayo sa National Highways at sa mga major roads ng bayan ng Basud,” ani Veras.
Ang Task Force ay pangungunahan ng Comelec katuwang ang Department of Environment and Natural Resources, Department of Public Works and Highways, Philippine National Police at Bureau of Fire Protection.
Nanindigan rin si Veras na may karapatan ang Comelec na magbaklas dahil bago naman aniya nila ito ginawa ay sinulatan ng komisyon ang mga kandidato at partido.
Alam din umano ng mga ito kung saan lang dapat maglagay ng campaign materials.
Ang Operation Baklas ng Comelec ay alinsunod sa Republic Act 9006 o Fair Election Act na ipinapatupad sa pamamagitan ng Comelec Resolution No 10730 at iba pang umiiral na Memorandum.
