CAMARINES NORTE- Pinaalalahanan ng simbahan ang mga bibisita sa sementeryo na gawin ito ng mas maaga upang makapagdasal at mag alay ng bulaklak at magsindi ng kandila sa puntod ng kanilang mahal sa buhay na yumao.
Ito ay bilang pagtalima sa kautusan ng Inter Agency Task Force at Executive Order ni Governor Edgardo Tallado na pansamantalang nagsususpinde sa nakagawiang pag gunita ng Undas at pagpapasara ng mga sementeryo simula October 29 hanggang November 2.
Ayon kay Bishop Rex Andrew Alarcon ng Diocese of Daet, ang kautusan ng pamahalaan na pansamantalang isara ang mga sementeryo ay para umano maiwasan ang malakihang pagtitipon na posibleng maging dahilan ng hawaan ng COVID- 19.
Inanunsiyo rin ng obipso na walang magaganap na prusisyon o ang nakagawiang “March of Saints” ngayong taon.
Pero sa October 29 ay magkakaroon umano ng mass of the saints bilang paghahanda sa pagunita ng All Saints Day sa November 1 at All Souls Day sa November 2.
Batay sa datos ng Department of Health nasa 3, 056 na ang naitalang kabuuang kaso ng COVID- 19 sa lalawigan.
Sa bilang ito, 569 ang aktibong kaso, 2, 387 ang gumaling at 100 naman nasawi.
Mayroon ring presensiya ng variants of concern ang lalawigan at nadagdagan pa ito.
Sa ngayon ay umabot na sa 35 ang naitatalang kaso ng Delta Variant habang pito naman ang mga kaso ng Beta.

