Naniniwala si Senador Koko Pimentel na kinakailangan nang tukuyin ng susunod na Kongreso ang mga dapat baguhin at amyendahan sa proseso ng eleksyon sa bansa.
Ito pa rin ay matapos ang kabi-kabilang mga aberya na naanasan sa nagdaang eleksyon.
Ayon kay Pimentel, tignan na dapat kung ano ang mga dapat repasuhin, kabilang na ang pag-audit sa mga ginamit na makina’t iba pang logistics kabilang na ang mga vote counting machines o VCMs.
Bilang bahagi ng Senate Committee on Electoral Reforms, isusulong aniya sa susunod na Kongreso ang imbestigasyon sa automated elections at pagsusuri kung mayroong posibleng dayaang nangyari sa pamamgitan ng mga naka-embed na cheat codes sa VCMs.

Dapat din umanong silipin ang iba pang mga paraan para mahinto na ang pagbili at pagbebenta ng boto na isa ring uri ng pandaraya tuwing halalan.
Maliban pa rito, pinaburan din ng mambabatas ang mga suhestyon na repasuhin ang party-list system.
Pati na rin ang pagre-require sa mga kandidato na dumalo sa opisyal na debate ng Commission on Elections ay pinaburan din ni Pimentel.
Sa huli, tiniyak ni Pimentel na isa sa mga dapat isulong ay ang pagkakaroon ng tax exemption sa mga honoraria na matatanggap ng mga gurong nagsilbi sa halalan.
#