CAMARINES NORTE- Nakasama uli ang Mercedes Critical Habitat sa finalist para sa 2nd Best Mangrove Award ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) Region V.
Noong nakaraang linggo ay bumisita sa bayan ng Mercedes ang Validation Team mula sa Regional Office para sa naturang programa.
Ang Mangrove Sanctuary na matatagpuan sa naturang bayan ay binubuo ng mga barangay ng Catandunganon, Manguisoc at Gaboc.
Ayon kay Punong Barangay Jovito Gardoña ng Catandunganon, kumpiyansa silang makakasungkit uli ng award ang Mercedes Critical Habitat para sa Best Mangrove Sanctuary sa buong Bicol Region.
Noong 2020 ay hinirang na 3rd placer ang Mercedes Critical Habitat sa Search for Best Mangrove Sanctuary sa buong rehiyon kung saan nasungkit noon ng Prieto Diaz Mangrove Ecosystem sa Prieto Diaz Sorosogon ang 1st place habang 2nd placer naman ang Siruma Mangrove Area.
Inilunsad ng DENR ang programa para i- showcase ang best mangrove conservation area sa rehiyon at magsilbing modelo sa kasalukuyan at sa gagawin pang mga conservation area sa hinaharap.
Ang Mercedes Critical Habitat ay pinanahanan ng iba’t ibang wild species lalo na ng Philippine duck na kabilang sa mga endangered species alinsunod sa Republic Act 7586 o National Integrated Protected Areas System Act.
📷 Coun. Colen Ibasco
