CAMARINES NORTE- Hindi na pumapasok sa trabaho ang ilang job order at casual employees ng Camarines Norte Provincial Hospital (CNPH)
Sa isinagawang flag raising ceremony nitong Lunes sa CNPH compound sinabi ni Provincial Health Officer I Dr. Rachel Diezmo na napansin ng pamunuan ng ospital nitong mga nagdaang araw na paunti- unti nang hindi pumapasok sa trabaho ang mga job order at casual employees.
Kaugnay nito ay pinaalalahanan ni Diezmo ang mga ito na kailangan pa rin nilang pumasok dahil hanggang Hunyo 30 pa ang kanilang kontrata.
Maituturing aniya itong “breach of contract” dahil nakapirma ang mga ito na maglilingkod at magtatrabaho hanggang sa nabanggit na petsa.
Paalala pa ni Diezmo na hindi dapat maapektuhan ang serbisyo ng ospital dahil lang sa hindi pagpasok ng ilan sa mga ito lalo na ang mga utility personnel.
Inaasahan namang magkakaroon ng malakihang pagbabago sa mga susunod na araw sa pagpasok ng bagong administrasyon.
Simula tanghali ng Hunyo 30 ay mauupo na sa pwesto ang bagong halal na Gobernador ng lalawigan na si Ricarte “Dong” Padilla matapos talunin si incumbent Governor Edgardo “Egay” Tallado sa katatapos lang na halalan.
