Melbourne, balak magtanggal ng COVID-19 lockdown measures sa Oktubre

Inaasahan na ng pangalawang pinakamalaking lungsod sa Australia ang pag-alis ng lockdown measures nito sa huling bahagi ng Oktubre.

Ito ay kung sakaling maisakatuparan ang mga vaccine targets ng Melbourne base sa official roadmap na inilabas noong Linggo.

Base sa ulat ng mga otoridad ay tinatayang nasa 5-milyong indibidwal ang nanatiling nasa ilalim ng stay-at-home orders mula pa noong August 5.

Nagsisilbi ito bilang ika-anim na lockdown na kinailangan nilang maranasan sa gitna ng COVID-19 pandemic.

Inanunsyo naman ng mga opisyal ng Victoria state, na kinabibilangan ng Melbourne, na tatanggalin na nito ang naturang kautusan sakaling mabakunahan na ng tuluyan ang 70 percent ng mga indibidwal na higit sa 16-anyos ang edad.

Tiwala naman ang mga opisyal ng bansa na kaya nilang maabot ang nasabing target sa October 26.