SORSOGON CITY – Pinarepaso ng Presidential Task Force on Media Security ang media killings at threats na naitala sa rehiyong Bicol sa pamamagitan ng Chief of Staff nito na si Atty Perry Solis Jr.
Isa sa siniyasat ay ang pamamaslang sa isang disc jockey sa bayan ng Bulan, Sorsogon na si Ric Ian Bill Perolino De Leon at ang anchorman ng Balangibog News na si Jobert Balidoy Bercasio na pinagbabaril sa lungsod ng Sorsogon.
Sa nasabing case conference, nabatid na ang kaso ni De Leon ay ‘case solved’ na matapos na positibong maidentipika ng ilang saksi si Saturnino Jamuat Gobis na bumaril sa biktima, gabi noong Agosto 13, 2020 sa Brgy Managa-naga ng nasabing bayan.
‘Personal grudge’ ang naging motibo sa krimen dahil ang biktimang si De Leon ay akusado din sa kasong Frustrated Murder kung saan ang biktima ay kapatid ni Gobis.
Si Gobis ay kasalukuyang nakakulong sa BJMP sa lungsod ng Sorsogon.

Samantala, nananatiling ‘case unsolved’ pa rin ang pamamaslang sa anchorman na si Bercasio alias ‘Polpog.’
Ito ay matapos na i-dismiss ng City Prosecutor’s Office ang kaso sa pamamagitan ng Resolution noong Marso 5, 2021 dahil sa ‘lack of probable cause’ dahil ang nag-iisang saksi ay tumangging ibunyag ang kanyang tunay na pangalan.
Una rito, ang saksi ay may dalawang suspek na pinangalanan na pawang mga miyembro ng rebeldeng grupong NPA.