CAMARINES NORTE- Isinailalim sa apat na araw na skills enhancement training ang mga staff ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office at Municipal Emergency Response Team sa bayan ng Basud, Camarines Norte na nagtapos nitong Biyernes.
Ayon kay Local Disaster Risk Reduction and Management Officer Carlos Lomallo importante umano ang mga ganitong pagsasanay lalo’t buhay lagi ang nakataya sa pag responde sa mga sakuna partikular na ang madalas na aksidente sa kalsada.
Nagkaroon ng simulation exercises sa kung ano ang mga dapat gawin kung mayroong mga rerespondehang vehicular accident tulad ng kung papano i- handle ang biktima at pagsakay nito sa ambulance nang hindi makakadagdag sa injury.
Matagal- tagal din umano ang huling training ng MDRRMO staff kaya kailangan na itong gawin uli bilang pagtalima na rin sa kautusan ng Department of the Interior and Local Government (DILG).
Sa mga susunod namang araw ay ang mga Barangay Emergency Response Team ang isasailalim sa kahalintulad na training.
Ayon kay Lomallo mahalaga ang ginagampanang papel ng mga Barangay Emergency responders lalo na kung malayo at hindi agad- agad napupuntahan ng MDRRMO staff.
Mababatid na marami ang mga naitatalang aksidente sa kalsada partikular sa kahabaan ng Maharlika Highway.
Ang prone umano sa mga aksidente ay ang kurbadang bahagi ng kalsada sa Matnog, Pagsangahan at San Felipe area.
Madalas umanong nangyayari ang mga aksidente sa hatinggabi o madaling araw at karamihan daw sa mga ito ay nakainom.
Mataas rin umano ang porsiento ng mga naaksidente sa kalsada na ang dahilan ay ang mga pagala- galang aso.
Ang Philippine Red Cross volunteers ang nagsilbing facilitators sa naturang training.
