Hindi dumalo si suspended Bamban Mayor Alice Guo sa pagpapatuloy ng imbestigasyon ng Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality hinggil sa ‘di umano’y human trafficking at isyu ng POGO sa kaniyang munisipalidad.
Sa liham ni Guo sa Kumite na binasa sa Senado, idiniin ni Guo na nakaranas daw siya ng ‘prolonged stress’ at ‘high level of anxiety’ dahil sa mga akusasyong ibinabato sa kaniya.
May matindi rin daw na epekto ito sa kaniyang physical at mental health.
Aniya, sa palagay niya’y ‘di siya fit’ para maging resource person sa pagdinig.
Sabi pa ni Guo, tila’y ‘prejudged’ na raw siya bago pa man tuluyang mahatulan.
Dahil dito, sinabi ng chairperson ng Kumite na si Senadora Risa Hontiveros na ipasu-subpoena na nila ang suspendidong alkalde sa mga susunod na pagdinig.
Sa hiwalay na panayam, sinabi ng kaniyang abugado na ‘sick and stressed’ na raw si Guo.
Hindi rin daw maganda ang kaniyang pakiramdam.