Napili ang dating UAAP basketball player na si Matthew Aquino na maging bahagi ng Japan national team pool para sa paparating na FIBA World Cup qualifiers.
Inanunsyo ng kaniyang team na Shinshu Brave Warriors ang nasabing balita nitong Lunes.
Kasali ang 6-foot-9 na si Aquino sa Shinshu bilang isang local sapagkat nagkaroon ito ng Japanese citizenship sa pamamagitan ng kaniyang lola.
Makakasama ni Aquino ang teammate niya na si Yudai Okada.
Iginiit ng club na ito ang unang beses sa buong kasaysayan na meron male Japanese national team candidate ang napili mula sa Shinshu Brave Warriors.
Inihayag naman ni Aquino, na anak ni PBA legend Marlou Aquino, na ikinararangal niya na maging candidate para sa Japanese national team at gagawin niya ang lahat bilang kinatawan ng Shinshu.
Dati nang naglaro si Aquino para sa UAAP bilang bahagi ng Adamson University at National University.
