Naungkat ng House Quad Committee ang isang malawakang criminal syndicate na pinamumunuan umano ng dating adviser ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na si Michael Yang.
Sa ikapitong pagdinig ng Quad Comm, ibinunyag ni House Deputy Speaker Jayjay Suarez na kasabwat ni Yang si Allan Lim na iniuugnay sa bentahan ng ilegal na droga at money laundering gamit ang ilegal na Philippine Offshore Gaming Operators katuwang ang tiwaling government officials.
Idinetalye nina Suarez at Senior Deputy Speaker Dong Gonzales kung paano naging magkakaugnay ang POGO, ilegal na droga, land grabbing ng mga Chinese national at extrajudicial killings sa pagpapatupad ng war on drugs ng administrasyong Duterte.
Batay sa matrix, mayroon umanong criminal network sina Yang at Lim sa tulong ng Chinese nationals kung saan nagtatayo sila ng mga korporasyon sa iba’t ibang panig ng bansa at sinasamantala ang batas.
Naglipana umano ang criminal enterprise na umaatake sa pamamagitan ng human trafficking, kidnapping, prostitusyon, love scams, murder at crypto scams.
Paliwanag ni Suarez, ginamit nina Yang at Lim ang mga lehitimong negosyo bilang front ng criminal activities at isang shopping mall sa Davao na nagsisilbi umanong hub ng drug distribution.
Kasama anila sa mga kumpanyang sangkot sa kidnapping ang Brickhartz Technology Inc. at Xionwei Technology Co. Ltd. na iniuugnay sa Baofu Compound sa Bamban, Tarlac kung saan naging mayor si Alice Guo.
Naiugnay din ng Quad Comm ang koneksyon nina Yang at Lim sa Lucky South 99 sa Porac Pampanga na kinakatawan ni Cassandra Li Ong.