CAMARINES NORTE- Sinalubong ng mataas na singil sa kuryente ang mga kunsomidores ng Camarines Norte Electric Cooperative ngayong Pebrero.
Batay sa anunisyo ng Canoreco nitong Miyerkules, tumaas kasi ng nasa Php0.4427 per kWh ang rates na babayaran para sa January 2022 billing.
Ang residential rate ay Php11.3928 per kWh na kumpara sa Php10.9501 per kWh lamang noong nakaraang December 2021 billing.
Ang low voltage rate ay Php10.4393 per kWh at ang high voltage rate naman ay Php8.7291 per kWh.
Paliwanag ng naturang kooperatiba ng kuryente na ang pagtaas na ito ay bunsod ng pagtaas ng Generation Charge na resulta ng mas mataas na presyo ng kuryente sa Wholesale Electricity Spot Market (WESM.
Nabawasan kasi ng 10.27% o 387 mega-watts ang average supply margin para sa Luzon para sa supply month ng December 2021.
Dahil naman ito sa mas mababang available capacity na dala ng significant outages ng mga baseload generator at sa patuloy na gas restriction ng Malampaya Gas Facility.
Mataas rin ang Newcastle Coal Index at US Consumer Price Index na mga component ng billing mula sa Aboitiz Power Renewables, Inc. (APRI) para rin sa supply month ng December 2021.
Bukod dito tumaas rin ang Transmission Charge dahil sa mas mataas na ancillary services charge sa billing ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP).
May pagtaas din sa System Loss Charge ng Php0.0430 per kWh; ang Generation Rate Adjustment Mechanism (GRAM)/Incremental Currency Exchange Rate Adjustment (ICERA), Lifeline Subsidy at Senior Citizen Subsidy na may kabuuang Php0.0216 per kWh at Value Added Tax (VAT) Charges ng Php0.0053 per kWh.
Ang Generation Charge ay nagbabago kada buwan dahil apektado ito ng WESM prices, power plants dispatch, fuel prices, forex rates at seasons kung kailan binili ang kuryente.
