NAGA CITY – Ngayong nanalapit nang Yuletide Season, inaasahan na ng Camarines Sur II Electric Cooperative Inc. o CASURECO II ang pagtaas na demand sa paggamit ng kuryente kung saan ito rin ang nagiging dahilan sa madalas na mga power interruption na nararanasan sa lungsod ng Naga at sa ilang bayan sa Camarines Sur na sakop nila.
Sa panayam ng Brigada News FM Naga kay Rinner Bucay, Public Information Officer ng CASURECO 2, numinipis ang reserve na suplay ng kuryente na nagdudulot ng biglaang pagputok ng mga fuse lalo na kung overloaded na ang transformer maging ang mga dropped wire ngayon pa’t may mga dagdag na pa-ilaw o mga dekorasyon kaya nawawalan at biglang nagkakaroon ng power interruption na agad namang nirerespondehan ng naturang opisina.
Maging ang mga ilegal na koneksyon ng kuryente o jumper kung saan malaki ang nai-aambag sa pagtaas ng demand sa kuryente na mahigpit na ipinagbabawal dahil isang paglabag ito at pagnanakaw ng kuryente.
Kaya laging panawagan ng kooperatiba sa publiko, hanggat maaari magtipid sa paggamit ng kuryente at tulungan silang maiwasan ang pagkawala-wala ng suplay nito. Inaabisuhan na rin ang mga kabahayan na kapag luma na ang wire ng kuryente papalitan na ito at i-pacheck sa mga electrician nang maiwasan ang pagputok o sunog.