CAMARINES NORTE- Aabot sa 45, 599 na printable ePhilIDs ang naipalabas ng Philippine Statistics Authority (PSA) sa Camarines Norte noong Nobyembre.
Ang ePhilID ay ang digital version ng PhilID na naka- print sa papel na may parehong bisa sa physical PhilID card.
Ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA), pinakamarami ang inisyu nito sa Daet na may 10, 355, Labo 5, 868, Basud 5, 459, Mercedes 4, 478, Sta Elena 4, 041, Jose Panganiban 3, 822, Paracale 3, 724, Capalonga 3, 107, Vinzons 1, 735, Talisay 1, 732, San Vicente 905 at San Lorenzo Ruiz 373.
Target ng PSA sa Camarines Norte na makapag isyu ng 158, 240 ePhilIDs bago matapos ang taon.
Ang pag iisyu ng ePhilID ay isang proactive strategy upang ma- enjoy na ng mga nakapagparehistro sa Philippine Identification System (PhilSys) ang mga benepisyong hatid ng national ID habang hinihintay ang physical ID card.
Nitong Martes, December 6, inatasan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang PSA na madaliin ang printing ng digital version ng national identification cards ngayong nahihirapan ang ahensiya na maabot ang kanilang target sa distribution ng physical cards.
Ginawa ng pangulo ang direktiba sa pakikipagpulong nito kay National Economic and Development Authority (NEDA) Secretary Arsenio Balisacan at mga opisyal ng PSA, sa pamumuno naman ni Undersecretary Dennis Mapa sa Malacañang kung saan pinag usapan ang mga isyung bumabalot sa rollout ng Philippine Identification System (PhilSys) ID.
