Magsasagawa ang Philippine Red Cross ng mass Cardiopulmonary Resuscitation o CPR demonstration upang ipabatid ang kahalagahan nito sa pagliligtas ng buhay.
Ikakasa ang mass CPR demo sa July 17 kasabay ng paggunita sa National CPR Day na may layunin ding humikayat ng mas maraming first aiders.
Ayon kay PRC Chairman Richard Gordon, bahagi ito ng kanilang commitment na palakasin ang panawagan na magkaroon ng isang first aider sa bawat tahanan o sa trabaho.
Dalawang milyon aniya ang volunteers sa buong bansa ngunit walang first responder na makatutugon na mas mabilis kundi ang kapitbahay, miyembro ng pamilya o kasamahan sa trabaho.
Accessible ang simultaneous CPR demonstration sa social media page ng Red Cross kung saan matututo ang mga lalahok at madidiskubre kung paano gumawa ng improvised CPR mannequin mula sa recyclable materials.
Bukod sa CPR demo at awareness campaign, maglulunsad ang Red Cross ng educational at masayang aktibidad online at sa ground sa pakikipagtulungan ng 102 chapters sa buong bansa.
Ang hakbang ay bilang suporta sa implementasyon ng Republic Act 10871 o ang batas na nagbibigay sa mamamayan ng sapat na kaalaman at kasanayan sa pagresponde sa health emergencies.