Maraming Pinoy pageant fans ang nagsabing ipinagmamalaki pa rin nila si Celeste Cortesi sa kabila ng kabiguan sa pagpasok sa semifinals ng 71st Miss Universe pageant kahapon sa New Orleans, USA.
Idinaan ng maraming fans sa social media ang pagpapahayag nila ng pasasalamat sa beauty queen para sa kung paano niya kinatawan ang bansa.

Samantala, si Miss Universe 2018 Catriona Gray ay nagbigay ng words of comfort sa mga pageant followers sa mga kinatawan ng bansa na hindi nakapasok sa Top 16.
Bilang isa sa mga commentator ng coronation night, naunang nakita si Gray na umiling-iling matapos mabigo ang kanyang kababayan na si Celeste Cortesi makapasok sa semifinals.
Matapos i-compose ang sarili, hinarap ni Gray ang mga Miss Universe followers mula sa Pilipinas at iba pang bansa na hindi naka-first cut sa mga delegado.
Sabi niya, “The selection committee must have really had a hard time but what an exceptional group of ladies. Guys, you are not alone — Philippines, Thailand, Mexico, Indonesia – I know you might be feeling a little bit of disappointment right now but we always have next year”.//CA