Kinundena ng iba’t ibang progresibong grupo ang ‘di umano’y marahas na pagdi-disperse ng mga Kapulisan sa programa ng Salinlahi Alliance for Children’s Concerns sa Quezon City kasabay ng pagbubukas ng klase ngayong araw.
Makikita sa video ng College Editors Guild of the Philippines ang pang-aagaw ng mga pulis sa mga ipinamimigay na libreng face masks, alcohol at pagkain sa mga estudyanteng nagbabalik-eskwela sa Corazon Aquino Elementary School.
Sa harap ng mga bata’t estudyante na papasok sana ng paaralan, nakipag-agawan ang mga kapulisan sa mga ipinamamahaging face masks sa mga learners, pati na rin ang kanilang mga placards kung saan ay nakasualt ang kanilang panawagang ligtas na balik-eskwela.
Ayon sa Kabataan party-list Santiago City, ang hakbang na ito ng mga kapulisan ay nasaksihan ng mga estudyante at nagdulot ng takot sa mga nakakitang bata.
Sinabi naman ng Gabriela party-list na hindi raw nila isasawalang bahala ang umano’y ‘violent indimidation, harassment, at physical assault’ ng mga pulis sa video.
Ayon sa grupo ng kababaihan, gagawin nila ang lahat ng mga legal na aksyon at makikipagugnayan sila kay Quezon City Mayor Joy Belmonte para mapanagot ang mga ito.
Anila, imbis na tumulong ang mga pulis sa mga magulang at learners para matiyak ang ligtas na school opening ay gumawa pa ito ng ‘extremely inhumane’ na karahasan.
Tanong pa ng grupo – ‘kailan pa raw naging krimen ang pagtulong sa mga bata?’
Kaugnay nito, sinabi ni DepEd spokesperson Michael Poa na hindi pa nakararating sa kanila ang insidente ngunit kaagad daw silang makikipag-ugnayan sa Quezon City LGU.
#