Itinuturing na ‘tagumpay’ ni Vice President and Education Secretary Sara Duterte ang paguumpisa ng school year 2022-2023 ngayong araw.
Sa pagdalo nito sa National School Opening Day Program na idinaos sa Dinalupihan Elementary School, sinabi nitong kinikilala nila ang ‘victory’ na ito para sa basic education.
Malaking tagumpay daw ito laban sa pandemya ng COVID-19 para sa mga guro, magulang, mga LGUs at iba pang stakeholders.
Ipinunto ni Duterte na hindi na raw maaari pang gawing dahilan ang COVID-19 para hindi matuto ang mga kabataan at pumasok sa eskwela.
Tugon ito ng Kalihim sa mga panawagan ng ilang grupo na ipagpaliban na muna ang pagbubukas ng Klase at ilipat ito sa Setyembre o Oktubre.
Aniya, hindi na raw kaya pang maantala pa ang pag-aaral ng mga Kabataan kaya kailangan na talaga silang bumali sa in-person learning.
Pagbubukas ng klase, naging pangkalahatang mapayapa ayon sa DepEd
Naging ‘generally peaceful’ ang pagbubukas ng school year 2022-2023 ngayong araw.
Ito ang iniulat ni Department of Education spokesperson Atty. Michael Poa kasabay ng unang araw ng klase – matapos ang dalawang taong implementasyon ng online learning dulot ng pandemya ng COVID-19.
Ayon kay Poa, base sa ulat ng kanilang mga regional directors – naging mapayapa ang panunumbalik sa eskwela ng mga learners.
Wala rin umanong nakarating sa kanila na mga untoward incidents at patuloy din silang nagmo-monitor sa sitwasyon sa libu-libong mga paaralan sa Pilipinas.
Karamihan aniya sa mga nakarating sa kanilang command center ay mga isyu hinggil sa enrollment ng mga magulang, pati na rin ang mga inquiries hinggil sa school transferring.
Tinatayang aabot sa mahigit 28Million learners ang nagsipag-enroll nationwide.
Bahagya itong mababa sa target ng DepEd na 28.6Million enrollees.
PNP, umaasang mananatili ang magandang sitwasyon sa lahat ng paaralan sa bansa kasunod ng maayos na unang araw ng pasukan
Umaasa ang Philippine National Police (PNP) na mananatili ang magandang sitwasyon sa lahat ng paaralan sa bansa hanggang sa mga susunod na araw kasunod ng maayos na pagsisimula ng pasukan para sa school year 2022-2023.
Ayon kay PNP Chief Police General Rodolfo Azurin Jr., ngayong unang araw, ‘so far, so good’ ang naging takbo ng pagpasok ng mga estudyante sa mga paaralan.
Aniya, hanggang ngayon ay wala pang napapareport sa kanila na kahit anong major untoward incident kaugnay sa pagsisimula ng face-to-face classes.
Kaugnay nito, ipinauubaya na ni Azurin sa mga Unit Commander ang paglilibot sa mga paaralan para inspeksyunin ang deployment ng mga pulis.
Bukod dito, tiniyak naman ng PNP Chief na magpapatuloy ang kanilang monitoring sa pamamagitan ng live feed mula sa iba’t-ibang police unit.
Pinaalalahanan naman ni Azurin ang mga kapulisan na tiyakin ang maayos na police visibility sa paligid ng mga paaralan sa buong bansa.
#