NAGA CITY- Patay ang isang mangingisdang residente ng Lagonoy, Camarines Sur matapos na tamaan ng kidlat habang nasa laot.
Sa impormasyong ipinaabot sa Brigada News FM Naga ng residente sa Lagonoy, nasa laot sina Eddie Savilla at Rolando Pitogo Jr, Miyerkules , Nov. 29, 2023 ng madaling araw nang tumama ang kidlat. Sa salaysay ni Savilla , nakita nila ang kidlat sa malayo hanggang sa isa nanamang kidlat ang tila pumutok malapit sa kanila. Ilang sandali pa’y kumidlat ulit at hindi na gumagalaw si Pitogo; tinamaan at binawian na ng buhay.
Nagkaroon ng sira ang bangka, habang lumulubog , itinatali ni Savilla sa bangka ang kasamahan upang hindi mawala sa karagatan. May dumaang bangka at narescue si Savilla pero maliit at delikado nang isakay pa si Pitogo ayon sa bangkero. Umuwi sila upang humingi ng saklolo at kunin si Pitogo subalit nang bumalik wala na sa lugar ang bangka kung saan nangyari. Apat na bangka ang unang nagtulong-tulong na hanapin pero bigo pa rin.
Sinabi sa Brigada News FM Naga ni Rommel Batanes ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office , sa pinag-isang puwersa ng Philippine Coast Guard (PCG) Tambang Substation, MDRRM at mga volunteer pang mga residente sa Mapid natagpuan ang bangka at ang bangkay pasado alas-3 na ng hapon sa karagatang sakop na ng bayan ng Siruma. Naiuwi na sa kanilang barangay ang bangkay ng biktima.
Pinag-iingat ni Batanes ang mga mangingisda.